panawagan. ubod ng haba ito. pero hindi naman katulad nung dati kong mga kwento.
sa sobrang init na inihahandog ng summer sa mga tao ay hindi maiiwasan ng lahat na mangarap na makatakas at makapagbakasyon ng maayos. mayroon kasing nagtatrabaho habang nagbabakasyon, nag-aaral sa bakasyon... hay, hindi talaga matatakasan ang minsang mangarap ng paglaya sa sariling kulungang pumipiga ng mga utak. higit pa sa sampung linggo [kasama na ang Christmas break] ang inilaan sa bakasyon, pero hindi rin naman ito inoobserbahan ng maayos dahil sa dami ng problema sa mundo.
ayun. at nagdesisyong magbakasyon [sa wakas]. tumakas mula sa hagupit ng mga homework at limutin ang mga nalalapit na pagsusulit. umiwas sa isang kasarinlang mapait at tila gumuguho na. layasan ang mga problemang humahamon sa buhay na kailangang tahakin. masaya ito.
official outing ng CMLI JCAA. ang pasimuno ay si Rose Abes at nagtungo sa kanyang paraiso sa Nueva Ecija. kung sa Sorsogon umaariba ang mga Fortes, sa Nueva Ecija pinagkakaguluhan ang mga Abes. ganun lang naman kasimple ang outing: mamamahinga kami ng tatlong araw [at dalawang gabi], mula Apr29-May01, sa resort ng mga Abes at makipagsapalaran ng todo-todo.
mahigit isang buwan itong pinag-usapan, ngunit nagpaalam lang ako nung gabi bago umalis. pasalamat na lang at may pera, dahil mahirap magnakaw ngayon gayong marami kang karibal sa propesyong ito. dahil kailangan nandun na'ko sa terminal bago mag-6am, naglaro na lang ako ng computer buong gabi at saka na lang naghanda ng papalit na ang oras.
putsa, 6am nga ang alis 'daw' ng bus, eh di tama lang ang dating ko. ang problema nga lang eh 12 kaming nagsulputan. naghintay kami hanggan 8am, ngunit nang hindi mahintay pa ang ibang taong ayaw magparamdam, umalis na kami. maya-maya na lang namin nalaman na may mga susunod na lang. at ayun, maingay sa bus, may mga taong nabibingi sa mga hirit at patustada namin. pasalamat na lang kami't walang Boy Bastos dun, baka pababain pa kami nun. unang batch: ako, Rose, Charlz, Earl, Dos, Nurai, Nayd, Van, CJ, Rizza, Kevin, Kelly.
palas na tuod. pagbaba sa Gapan, umarkila ng jeepney at dumaan muna sa palengke tapos sa bahay ni Lola Abes. tapos dumiretso na sa Abes resort na pinangalanang Palas na Tuod, kahit si Rose hindi maintindihan kung bakit iyon ang pangalan. hindi pa kumpleto ang pagbuo sa resort, pero kahit papano, napakalawak [at syempre maraming puno, sariwa ang hangin]. pagdating na pagdating isinantabi ang mga bagahe at dumiretso na sa paghanda ng lunch! gutom na ang lahat, dahil isang Pringles lang ang nakain namin sa bus.
pagkakain, konting pahinga, libot. maya-maya'y nag-ayang pumuntang ilog at doon namin unang naranasan ang burn, hindi lang sunburn, pati ang ilog halos kumukulo na rin sa init. malakas ang agos, maraming lumot na masayang ilagan, hanapan ng tae ng kalabaw, tampisaw at kuhaan ng mga litrato. pagbalik ay naglinis na ang lahat at kumain na ng hapunan.
sinubukang humabol sa anticipated mass. dumating kami nagbabatid na ang pari na magparami. kaya nagperya na lang kami. sumakay kami sa Caterpillar at nakipag-ipitan kay Phillip dahil sa sobrang bilis at tagal umikot. worth it talaga ang kinse pesos, pero hindi kami pwedeng tumili sa saya dahil nakikipagsalubungan kami sa mga gamu-gamong ubod ng rami. maya-maya'y dumating na ang second batch: Nurai, Marc at Dino. sinundo namin sila mula sa perya, bumili ng chibog at bumalik sa resort.
pero sa daan ay sobrang dilim, itim lang makikita mo at ang ilaw lang ng sasakyan ang tanging gabay. napaghahalataang hindi binoto ng mga mamamayan doon ang mayor kaya hindi pinauunlad, haha! wala tuloy makapansin na hinahampas na kami ng mga sangang nakakalusot, akala mo tumatakbo ala Blair Witch project.
nakapag-arkilya rin ng videoke, yung hinuhulugan ng limang piso. taena, todo ang pagka-update! at ang mga divas at rockers ay hindi na napigilang bumirit at magsigawan. dumating ang last batch: Glenn and Julius na tricycle lang ang sinakyan [at tandaan, ubod ng dilim]. inuman, kantahan, aminan at puyatan. ganun lang ang nangyari!
minalungao. ako ang pinakahuling nagising, sobra ako sa puyat eh, pero wala naman akong tama [hindi katulad ng iba dyan!]. tuyo daw and mango for breakfast [ewan ko, tulog pa'ko nun eh], naligo ang lahat pagkatapos. by 930am, sumakay na sa jeep ang lahat at pumunta sa isang parte ng ilog na tinawag na Minalungao.
roller coaster ang byahe. nandun pa rin ang mga nangangalabit at nangangalmot na tangkay ng mga puno, ang mga crater na puno ng tubig-putik at syempre ang alikabok. bago pa kami makarating sa lugar ay talagang pinadumi pa kami ng kalikasan.
pagdating duon, may batang babaeng lumapit at naniningil ng entrance. putsa, sabi naman ni Rose wala namang singilan dati kasi public [or government?!] property ang lugar na iyon. kaya naisabi namin na sa paglabas ng lang kami magbabayad. pero nung paalis na kami mamaya, nawawala yung maniningil. nakalibre tuloy kami.
dalawang cottage lang daw, pero mas marami pa sa tatlo ang kinuha namin, kahit kasya naman kami talaga sa dalawa lang. nagtampisaw agad, naghanap ng kalabaw at ng malalim na parte ng ilog, nakipag-ilagan sa mga dumadagsang lumot, nagkabistuhan kung sino ang hindi marunong lumangoy, nagkuhaan ng litrato at nagpaitim sa araw kahit sandamakmak na sunblock lotion na ang tinapal sa katawan. kumain kami ng letson at mangga, nagpahinga ang iba't nagsunbathing at ang iba'y tumunganga na lang at pumapak ng pagkain.
natauhan ang lahat ng magpunta na sa dulo ng minalungao. balak ng lahat na sumakay sa gansa para kahit mainit eh mabilis ang byahe, kaya naghanap kami ng taong kinauukulan. pero nalaman lang namin na lima lang ang pwede at hindi matitiis ng iba na maghintay na balikan sila ng gangsa. kaya pumayag na rin ang lahat na maglakad sa gilid ng ilog. pero taena, lakad ba ang tawag mo duon?! extreme trekking at rock climbing ang ginawa namin. nakatsinelas lang talaga kaming lahat at sa sobrang ingay namin dahil sa kakareklamo't kakamura eh nage-echo ang paligid. syempre, kahit tumatagak na ang pawis namin at nahihirapan na't baka mahulog eh hindi pa rin namin nakakalimutang magpakuha ng litrato. kamusta naman dyan ang mga mahuhulog na.
baba ulit sa ilog, tapos akyat uli. dumaan sa buhangin at maputikan ang paa. ganun kahirap ang daan, pero masaya kahit nakakapagod. nagbunga din ang pagpapasunog sa araw: sa isang mas malinis at preskong ilog kami nakarating. mas malakas ang agos at tila ang daming bata ang andun. pero si Rose hindi nagpaaninag, kailangan makapunta kami sa kweba, para ang byahe eh hindi masayang.
blind spelunking. wala kaming dalang flashlight kaya kapaan kami sa dilim. umakyat kami sa gilid ng bundok-bundukan. nadumihan at naputikan muli bago makarating. pero sinabayan kami ng ibang turista at mga bata'y sa sobrang bilis umakyat eh maiisip mo na nakatira na sila doon.
pagpasok ay madilim agad! kailangan naming magsalita ng magsalita para malaman namin na hindi kami nalalayo sa ibang tao. mabuti na lang at yung mga bata eh nakitulong sa paggabay sa amin. lumamig ang temperatura pagpasok sa loob, pero hindi mo naman namamalayan na mahuhulog o mauuntog ka na pala. ang mga multo doon ay hindi kaagad mapapansin dahil masyadong inaatupag ang sariling kaligtasan.
nakalabas na kami, pero nalaman namin na kailangan naming pumasok ulit para lang makalabas. kaya naghanap na lang kami at dumiskarte ng ibang daan para lang makaalis agad doon. pagbaba'y naligo at naglinis kami ng katawan. ang iba'y tumalon na mula sa mataas na bato ala springboard. pero ang tatalunang tubig ay tama lang ang lalim. kakailanganin mo pang bumaluktot para lang lumubog ng buo. syempre, kuhaan ng litrato kasama ang mga pa-star na paslit.
dito rin namin natutunan na pwedeng maglaro ng bolang lumot tapos batuhan lang kayo. maririnig mo ang lakas ng tunog pag tumama ito sa mukha ng kalaro mo. ang iba'y hihiga sa ilog tapos magpapatangay sa lakas ng alon. pero kapalit nun ay tuluyan pag-uuntog ng pwet mo sa mga nakabalandrang bato.
babalik na kami sa cottage at ang usapan ay makikisabit sa mga gangsa. pero wala rin kaming naabutan at sa halip ay bumalik kami sa extreme trekking at rock climbing. pagbalik karamihan ay nagbanlaw at nagpahingay, may ibang nagbabad at naglaro sa mga bato.
pagod na ang lahat at naisipang umuwi. sina Phillip at 'ya Glenn ay umangkas sa ibabaw ng jeep habang si CJ ay sumabit sa likod. lahat kaming natira ay tahimik lang sa loob. pero pagdating sa resort ay nalimutan na ang lahat magdinner kaya halos 10pm na nang magdinner ang lahat pagkatapos maligo at makipagkantahan. doon na rin inubos ang Refrigerator Cake [mango float ala Graham] na binawasan na ng todo-todo. inakala namin kung sino yung magnanakaw pero nalaman lang namin sa isang tauhan doon na may dalawang taong nagsusubuan nun. putsa, Dos at Kelly!
maagang nagsawa kami sa videoke. kaya umakyat ang lahat ng labas ng kwarto't nag-inuman at nagchibugan na. isama mo na ang mga aminan at mga tanong na kailangang sagutin. mabuti na lang at marami akong antibodies na iniiwas ako sa kalasingan. kaya dalawa na lang kaming natirang umaakay sa mga taong malakas na ang tama. hindi ko nga lang naabutan ang pagsikat ng araw dahil natulugan ko na, eh 530am pa naman nun, hindi ko na natagalan.
isa na naman ako sa mga huling nagising. actually, kaming dalawa ni CJ ang huling nakabagsak sa tulugan. paggising nami'y maglalunch na't ang iba'y nagkakantahan na ulit. nasira ang pasukan ng limang piso, pero dahil AA kami, nagawang hanapan ng paraan ni Charlz sa pamamagitan ng pagdukot sa alambreng nakakabit. fingering ito.
finale espesyal sa pag-uwi. matapos maligo ang lahat at nakapag-impake na, take home pa ng papaya't mangga. dumating kami sa Gapan sentro ng hapon, pero tumagal kami doon dahil ang hirap kumuha ng sakay at kailangan pang makipagsagupaan pa sa iba pang commuters. kaya umarkilya kami ng jeep na ihahatid kami sa Cabanatuan dahil nadun ang terminal. nagbayad kami ng Php25 at nagmamadali dahil kailangan bago mag-eight ay andun na kami dahil yun ang last trip.
sa kalagitnaan sa daan ay may nakita kaming ES Transport bus patungong Cubao, nakiusap kami sa drayber at lumabas siya ng jeep at hinabol ang bus. walang nagda-drive, pero hindi naman gumagalaw ang daloy ng trapiko kaya kahit iniwan niya eh okay lang. putsa, pumayag! kaya ayun, baba kami ng jeep at nagsitakbuhan sa highway, hinahabol ang bus. parang Amazing Race kasi ang lalaki ng bag na dala namin. may isang amublansya dun na napatanong sa'min kung ano ang problema, "wala po, hinahabol lang po yung bus."
at ayun, nakasakay at sa likuran pa rin kami umistasyon. at kahit pagod ay nag-iingay pa rin ang lahat. aakalain mong napabagal ng byahe dahil hindi gumagalaw ang bus, pero nang makalampas sa toll gate ay Maynila na! una kaming bumaba ni Phillip at Julius sa Muņoz, nagpasundo kami sa dad ko tapos hinatid sila.
inuubo na ako't nahihirapan nang huminga ulit. kumakapal na ang usok at maingay na ang kalsada ng mga nagraratsadang sasakyan. shet, it's good to be back in Manila. peace of mind is over. hello pollution, hello Manila!