bumangon ako para muling gamitin at ibalik sa lakas ang PSYCHOANALYST powers ko. ito na ang tamang oras ko para ibahagi sa ilang tao ang nakikita ko sa kanila. hindi ko man kayo tunay at kilala ng buong-buo, may tiwala ako sa sarili kong damdamin at opinyon.
pasensya na, hindi ko kayo ipinagpaalam. makikilala niyo kaya ang mga sarili niyo dito?
para sa isang MCV. masayahin, mapagbiro, at bungingis kung tumawa: yan ang mga katangian mong nakadikit sa pangalan mo. matalino ka't ubod ng talento, mga bagay na hinahanap-hanap rin sa isang katulad mo. alam mong seryosong usapan na pagdating sa pag-ibig.
ang babaeng gusto mo ay game sa lahat ng bagay. tatawa sa mga corny jokes mo, higitan pa ka sa mga hirit, at marunong pakisamahan ang "mood swings" mo. mas gusto mong ikaw ang nakikinig sa mga kwento niya, tatahimik ka lang sa tabi niya habang nagsasalita siya. kahit sa mga text messages ay hindi kayo magsasawang magkulitan doon.
iintindihin mo siya hangga't kaya mo. alam mong seloso ka at gusto mo minsan may ideya ka kung nasaan at kung sino (o sinu-sino) kasama niya. ayaw mong mawala ang tiwala mo't pinagsisinungalingan ka pa. magagalit ka kung hindi ka niya masagot at iniiwan ka sa ere. hindi mo gusto ang nagtataguan ng mga kasalanan sa isa't isa.
pero alam kong mahiyain ka rin sa ilang mga sitwasyon. hindi mo siya kayang ayaing manood ng sine maliban na lang kung siya ang mag-alok o idaan mo sa text. masaya ka na kapag hawak mo na ang kamay niya't katabi sa panonood, kainan at iba pa.
para sa isang RLD. kung tatanungin ang mga taong nakapaligid sa'yo, isa kang maingay na babae. hindi ka nauubusan ng kwento, at kailangan lahat ng malalapit sa'yo alam ang tungkol dito. kadalasan ay pang-araw-araw na buhay mo na ang ibinabahagi mo, at 'di mo pa ikinahihiya iyon! mahilig kang tumawa at ngumiti. kahit asarin ka na ng mga kasama mo'y okey lang sa'yo. tutal, hindi naman big deal sa'yo yun.
natutuwa ka pa nga kapag inaasar ka na sa crush mo; kilala pa ng lahat dahil sinabi mo. kunwari hindi ka tinatablan, pero pag sumobra na saka ka lang gagawa ng aksyon. nagiging maselan ka na pagdating sa isyu ng pag-ibig. pero okey lang sa'yo, at least hindi mo ikinahihiya kung ano ang pakialam sa ganoong klaseng bagay.
nakakapagtataka't naghahanap ka ng isang lalakeng seryoso. gusto mo tahimik siya't kalmado lagi. siya ang makikinig sa mga kwento mo, ayaw mo ng dumededma sa'yo. syempre, dapat responsive, at hindi yung kung anu-ano na lang ang pinagsasabi. hindi mo kasi tipo yung mga taong manloloko at hindi ka seseryosohin. gusto mo yung napapansin yung totoong ikaw liban sa pagiging bibo mo. alam mo kasing siya ang matatakbuhan mo pag wala ka nang malapitan pa. isa kang dominanteng babae, pero gagawin mo ang lahat para mapangalagaan ang relasyon ninyong dalawa.
para sa isang COS. tahimik, ikaw iyon. aakalain ng ilan ay marami ka lang na iniisip, nililigaw mo ang sarili sa ibang mundo. ganun pa man, ikaw ang taong abot-kamay ng karamihan. pagdating sa tulong, kausap at kasiyahan, ikaw ay nariyan para sumuporta. isa kang magandang halimbawa ng isang maginoo, kahit anu pa man ang gawin sa'yo ay hahayaan mo lang. mapagpasensya ka. mahiyain rin sa maraming kaso. pero minsan sa pananahimik mo, hindi mo na maintindihan ang sarili mong sitwasyon kapag pag-ibig na ang nasa isip mo.
naghahanap ka ng paraan para pansinin ka ng taong gusto mo. madalas ay nagagapi ka ng sarili mong katorpehan. nagbabasakali ka lagi, at nahuhuli na sa karera. minsan nasasabi mong wala nang nakakaintindi sa'yo, na binabalewala ka na lang at hindi pinapansin. na parang lahat ng pagpapahirap at sakripisyo na ginagawa mo ay hindi binibigyan ng tamang atensyon
gusto mo ng isang babaeng aalaga sa'yo. yung tipo ng babae na aalalahanin ka rin sa mga ginagawa mo, na sasabihan ka na okey lang kahit maliit na bagay. matutuwa ka na kapag naappreciate niya ang mga ginagawa mo, na lahat ng pinaghirapan mo ay hindi nasayang. willing kang makinig sa mga kwento niya, tatawa sa mga biro niya, at sasama sa'yo ng magkahawak-kamay. higit sa lahat, hindi ka niya ikahihiya.
mahirap maghanap ng ganitong klaseng babae. kung makahanap ka man ay gagawin mo ang lahat para mapagtibayan ang inyong relasyon. hindi ka kasi madaling sumuko at itutuloy mo ang laban hangga't kaya mo pa.